Mataas na ang araw nang lumbas si Aling Marta sa
bakuran ng kanilang maliit na barung-barong. Aliwalawas ang kanyang
mukha: sa kanyang lubog na mga mata na bahagyang pinapagdilim ng kanyang
malalagong kilay ay nakakintal ang kagandahan ng kaaya-ayang umaga. At
sa kanyang maninipis na labi, na bahagyang pasok sa pagkakalapat at
maputla, ay naglalaro ang isang ngiti ng kasiyahan. Araw ng pagtatapos
ng kanyang anak na dalaga; sa habing iyon ay tatanggapin nito ang
diploma bilang katunayang natapos niya ang apat na taong inilagi sa
mataas na paaralan. Ang sandaling pinakahihintay niya sa mahaba-haba rin
namang panahon ng pagpapaaral ay dumating na: ang magkaroon ng isang
anak na nagtapos sa high school au hindi na isang maliit na bagay sa
isang mahirap na gaya niya, naisip niya. Sa mapangarapin niyang diwa ay
para niyang nakikita ang kanyang anak na dalaga sa isang kasuotang
puting-puti, kipkip ang isang libro at nakangiti patungo sa lalo pang
mataas na hangarin sa buhay, ang makatapos sa kolehiyo, magpaunlad ng
kabuhayan at sumagana. Maaaring balang araw ay magkaroon din siya ng
mamanuganing may sinasabi rin naman. Nasa daan na siya ay para pa niyang
naririnig ang matinis na halakhak ng kanyang anak na dalaga habang
paikut-ikot nitong isinusukat sa harap ng salamin ang nabuburdahang
puting damit na isusuot sa kinagabihan. Napangiti siyang muli.
Mamimili
si Aling Marta. Bitbit ng isang kamay ang isang pangnang sisidlan ng
kanyang pamimilhing uulamin. Habang daan, samantalang patungo sa
pamilihang-bayan ng Tundo, ay mataman niyang iniisip ang mga bagay na
kanyang pamimilhin. Hindi pangkaraniwan ang araw na ito at
kinakailangang magkaroon silang mag-anak ng hindi pangkaraniwang
pananghalian. Bibili siya ng isang matabang manok, isang kilong baboy,
gulay na panahog, at dalawang piling ng saging. Bibili rin siya ng
garbansos. Gustung-gusto ng kanyang magtatapos na anak ang minatamis na
garbansos.
Mag-iikasiyam na ng dumating siya sa pamilihan. Sa
labas pa lamang ay naririnig na niya ang di-magkamayaw na ingay na
nagbubuhat sa loob, ang ingay ng mga magbabangos na pakanta pang
isinisigaw ang halaga ng kanilang paninda, ang sali-salitang tawaran ng
mga mamimili. Linggo ng umaga at ang palengke ay siksikan. Sa harapan
niya piniling magdaan. Ang lugal ng magmamanok ay nasa dulo ng pamilihan
at sa panggitnang lagusan siya daraan upang magdaan tuloy sa tindahan
ng mga tuyong paninda at bumili ng mantika. Nang dumating siya sa
panggitnang pasilyo at umakmang hahakbang na papasok ay siyang palabas
na humahangos ng isang batang lalaki, at ang kanilang pagbabangga ay
muntik na niyang ikabuwal. Ang siko ng bata ay tumama sa kanyang
kaliwang dibdib.
“Ano ka ba?” ang bulyaw ni Aling Marta. “Kaysikip na nga ng daraanan ay patakbo ka pa kung lumabas!”
Ang
bata ay nakapantalon ng maruming maong na sa kahabaan ay pinag-ilang
lilis ang laylayan. Nakasuot ito ng libaging kasimeta, punit mula sa
balikat hangang pusod, na ikinalitaw ng kanyang butuhan at maruming
dibdib. Natiyak ni Aling Marta na ang bata ay anak-mahirap.
“Pasensiya
na kayo, ale,” ang sabi ng bata. Hawak nito ang isang maliit na
bangos–tagbebeinte, sa loob-loob ni Aling Marta. Ang bata ay takot na
nakatingin sa kanya. “Hindi ko ho kayo sinasadya. Nagmamadali ho ako,
e.”
“Pasensiya!” sabi ni Aling Marta. “Kung lahat ng kawalang-ingat
mo ay pagpapasensiyahan nang pagpapasensiyahan ay makakapatay ka ng
tao.”
Agad siyang tumalikod at tuluy-tuloy na pumuasok. Paano’t
paano man, naisip niya, ay ako ang huling nakapangusap. Higit kong
daramdamin kung ako na itong nagawan ng di-mabuti ay sa kanya pa
manggagaling ang huling salita. Mataman niyang inisip kung may iba pang
nakakita sa nangyari. Marahas ang kanyang pagkakapagsalita sa bata at
maaaring may kakilala siya na nagdaraan na nakarinig sa kanyang mga
sinasabi. Dumating siya sa tindahan ng mga tuyong paninda at bumuli ng
isang kartong mantika.
“Tumataba yata kayo, Aling Godyang,” ang
bati niya sa may kagulangan nang tindera na siyang nakaugaliang bilhan.
Nakatangi siya at ang babae ay ngumiti rin.
“Tila nga ho,” ani Aling Godyang. “Tila ho nahihiyang ako sa pagtitinda.”
Natawa
si Aling Marat at pagkaraan ay dumukot sa bulsa ng kanyang bestido
upang magbayad. Saglit na nangulimlim ang kanyang mukha at ang ngiti sa
maninipis niyang labi ay nawala. Wala ang kanyang kalupi! Napansin ng
kaharap ang kanyang anyo.
“Bakit no?” anito.
“E ... e, nawawala ho ang aking pitaka,” wala sa loob na sagot ni Aling Marta.
“Ku, e, magkano ho naman ang laman?” ang tanong ng babae.
“Ang
tanda niyang laman ng kanyang kalupi ay pitumpong piso na siyang bigay
na sahod ng kanyang asawa nang sinundang gabi, Sabado. Ngunit aywan ba
niya kung bakit ang di pa ma’y nakikiramay nang tono ng nagtatanong ay
nakapagpalaki ng kanyang loob upang sabihin, “E, sandaan at sampung
piso.”
Nanatili siya sa pagkakatayo nang ilang saglit, wari’y
tinakasan ng lakas, nag-iisip ng mga nakaraang pangyayari. Mayamaya ay
parang kidlat na gumuhit sa kanyang alaala ang gusgusing batang kanyang
nakabangga. Tumama ang siko nito sa kanyang dibdib, sa kanyang katawan!
Dali-dali siyang tumalikod at patakbong lumabas. Hindi pa marahil iyon
nakalalayo; may ialng sandali pa lamang ang nakararaan. Inisip niya kung
ang kasuotan nito na maaari niyang pagkilanlan, ang tabas ng mukha, ang
gupit, ang tindig. Sa labas, sa harap ng palengke na kinaroroonan ng
ilang tindahang maliliit at ng mangilan-ngilang namimili at mga batang
panakaw na nagtitinda ng gulay, ay nagpalinga-linga siya. Patakbo uli
siyang lumakad, sa harap ng mga bilao ng gulay na halos mayapakan na
niya sa pagmamadali, at sa gawing dulo ng pusisyon, na di-kalayuan sa
natatanaw niyang karatig na outpost ng mga pulis, ay nakita niya ang
kanyang hinahanap. Nakatayo ito sa harap ng isang bilao ng kangkong at
sa malas niya ay tumatawad. Hindi siya maaaring magkamali: ang wakwak na
kamiseta nito at ang mahabang pantalon na wari’y salawal ding ginagamit
ng kanyang ama, ay sapat nang palatandaan upang ito ay madaling
makilala. At ang hawak nitong bangos ng tigbebeinte.
Maliksi siyang lumapit at binatak ang bata sa liig.
“Nakita rin kita!” ang sabi niyang humihingal. “Ikaw ang dumukot ng pitaka ko, ano? Huwang kang magkakaila!”
Tiyakan
ang kanyang pagkakapagsalita; ibig niyang sa pagkalito ng bata sa
pag-aappuhap ng isasagot ay masukol niyang buung-buo. Ngunit ang bata ay
mahinahong sumagot:
“Ano hong pitaka?” ang sabi ng bata. “Wala ho akong kinukuhang pintaka sa inyo.”
“Anong
wala!” pasinghal na sa abi ni Aling Marta. “Ikaw nga ang dumukot ng
pitaka ko at wala nang iba. Kunwa pa’y binangga mo ako, ano, ha?
Magaling, magaling ang sistema ninyong iyan. Kikita nga kayo rito sa
palengke.”
Marami nang nakapaligid sa kanila, mga batang
nagtitinda, lalaki at babaing mamimili. Hinigpitan ni Aling Marta ang
pagkakahawak sa liig ng bata at ito’y pilit na iniharap sa karamihan.
“Aba,
kangina ba namang pumapasok ako sa palengke, e, banggain ako,” ang sabi
niya. “Nang magbabayad na ako ng pinamili ko’t kapain ko ang bulsa ko,
e, wala nang laman!”
“Ang mabuti ho’y ipapulis ninyo,” sabing
nakalabi ng isang babaing nakikinig. “Talagang dito ho sa palengke’y
maraming naglipanang batang gaya niyan.’
“Tena,” ang sabi ni Aling Marta sa bata. “Sumama ka sa akin.”
“Bakit ho, saan ninyo ‘ko dadalhin?”
“Saan
sa akala mo?” sabi ni Aling Marta at pinisil ang liig ng bata.
“Ibibigay kita sa pulis. Ipabibilanggo kita kapag di mo inilabas ang
dinukot mo sa akin.”
Pilit na nagwawala ang bata; ipinamulsa niya
ang hawak na bangos upang dalawahing-kamay ang pag-aalis sa mabutong
mga daliri ni Aling Marta na tila kawad sa pagkakasal sa kanyang liig.
May luha nang nakapamintana sa kanyang mga mata at ang uhog at laway ay
sabay na umaagos sa kanyang liig. Buhat at sa likuran ng mga manonood ay
lumapit ang isang pulis, na tanod sa mga pagkakataong tulad niyon, at
nang ito ay malapit ay sinimulan ni Aling Marta ang pagsusumbong.
“Nasiguro
ko hong siya dahil sa, nang ako’y kanyang banggain, e, naramdaman ko
ang kanyang kamay sa aking bulsa,” patapos niyang pagsusumbong. “Hindi
ko lang ho naino kaagad pangkat ako’y nagmamadali.”
Tiningnang
matagal ng pulis ang bata, ang maruming saplot nito at sinimulang
mangapkap. Sa bulsa ng bata, na sa pagdating ng pulis ay tuluyan nang
umiyak, au lumabas ang isang maruming panyolito, basa ng uhog at tadtad
ng sulsi, diyes sentemos na papel at ang tigbebeinteng bangos.
“Natitiyak ho ba ninyong talaga na siya ang dumukot ng inyong pitaka?” ang tanong ng pulis kay Aling Marta.
“Siya ho at wala nang iba,” ang sagot ni Aling Marta.
“Saan
mo dinala ang dinukot mo sa aling ito?” mabalasik na tanong ng pulis sa
bata. “Magsabi ka ng tatoo, kung di ay dadalhin kita.”
“Wala ho
akong dinukot na maski ano sa kanya,” sisiguk-sigok na sagot ng bata.
“Maski kapkapan ninyo ‘ko nang kapkapan, e, wala kayong makukuha sa
akin. Hindi ho ako mandurukot.”
“Maski kapkapan!” sabad ni Aling
Marta. “Ano pa ang kakapkapin namin sa iyo kung ang pitaka ko, e,
naipasa mo na sa kapwa mong mandurukot! O, ano, hindi ba ganoon kayong
mga tekas kung lumakad ... isa-isa, dala-dalawa, tatlu-tatlo. Ku, ang
mabuti ho yata, mamang pulis, e, ituloy na natin iyan sa kuwartel. Baka
roon matutong matakot iyan at magsabi ng totoo.”
Tumindig ang
pulis. “Hindi natin karaka-rakang madadala ito nang walang evidencia.
Kinakailangang kahit paano’y magkaroon tayo ng maihaharap na katibayang
siya nga ang dumukot ng iyong kuwarta. Papaano ho kung hindi siya?”
“E,
anompang evidencia ang hinahanap mo?” ang sabi ni Aling Marta na
nakalimutan ang pamumupo. “Sinasabi ko nang binangga akong pasadya, at
naramdaman ko ang kanyang kamay sa aking bulsa. Ano pa?”
Sa bata
nakatingin ang pulis na wari’y nag-iisip ng dapat niyang gawin;
maya-maya’y muling naupo at dumukot ng isang lapis at isang maliit na
kuwaderno sa kanyang bulya.
“Ano ang pangalan mo?” ang tanong niya sa bata.
“Andres Reyes po.”
“Saan ka nakatira?” ang muling tanong ng pulis.
Lumingon
ang bata sa kanyang paligid, inisa-isa ang mga mukhang nakatunghay sa
kanya. “Wala ho kaming bahay,” ang sagot. “Ang tatay ko ho, e, me sakit
at kami ho, kung minsan, ay sa bahay ng Tiyag Ines ko nakatira sa
Blumentritt, kung minsan naman ho, e, sa mga lola ko sa Kiyapo at kung
minsan naman ho, e, sa bahay ng kapatid ng nanay ko rito sa Tundo.
Inutusan nga lang ho niya akong bumili ng ulam, para mamayang tanghali.”
“Samakatuwid ay dito kayang mag-ama nakatira ngayon sa Tundo?” ang tanong ng pulis.
“Oho,”
ang sagot ng bata, “pero hindi ko nga lang ho alam ang kalye at numero
ng bahay dahil sa noong makalawa lang kami lumipat at saka hindi ho ako
marunong bumasa, e.”
Ang walang kawawaang tanong at sagot na
naririnig ni Aling Marta ay nakabagot sa kanyang pandinig; sa palagay ba
niya ay para-para silang walang mararating. Lumalaon ay dumarami ang
tao sa kanilang paligid at ang pulis na umuusig ay tila siyang-siya sa
kanyang pagtatanong at pagsusulat sa kuwaderno. Nakaramdam siya ng
pagkainis.
“Ang mabuti ho yata dalhin na antin iyan kung
dadalhin,” ang sabi niya. “Pinagkakaguluhan lamang tayo ng mga tao rito
ay wala namang nangyayari. Kung hindi naman ninyo kaya ay sabihin ninyo
at tatawag ako ng ibang pulis.”
“Hirap sa inyo, e, sabad kayo
nang sabad, e,” ang sabi ng pulis. “Buweno, kung gusti n’yong dalhin
ngayon din ang batang ito, pati kayo ay sumama sa akin sa kuwartel. Doon
n’yp sabihin ang gusto n’yong sabihin. At doon n’yo gawin ang gusto
n’yong gawin.”
Inakbayan nito ang bata at inilakad na patungo sa
outpost, kasunod ang di umiimik na si Aling Marta at ang isang hugos na
tao na ilan ay ngingiti-ngiti habang silang tatlo ay minamasdan. Sa
harap ng outpost ay huminto ang pulis.
“Maghintay kayo rito sandali at tatawag ako sa kuwartel para pahalili,” ang sabi sa kanya at pumasok.
Naiwan
siya sa harap ng bata, na ngayon ay tila maamong kordero sa
pagkakatungo, sisiguk-sigok, nilalaro ng mga payat na daliri ang ulo ng
tangang bangos. Luminga-linga siya. Tanghali na; iilan-ilan na lamang
ang nakikita niyang pumapasok sa palengke. Inisip niya kung ilang oras
pa ang kinakailangan niyang ipaghintay bago siya makauwi: dalawa, tatlo,
o maaaring sa hapon na. Naalaala niya ang kanyang anak na dalagang
magtatapos, ang kanyang asawa na kaipala ay naiinip na sa paghihintay;
at para niyang narinig ang sasabihin nito kung siya’y uuwi na walang
dlang ano man, walang dala at walang pera. Nagsiklab ang poot sa kanya
na kangina pa nagpupuyos sa kanyang dibdib; may kung anong sumulak sa
kanyang ulo; mandi’y gagahanip ang tingin niya sa batang kaharap.
Hinwakan niya ito sa isang bisig, at sa pagdidilim ng kanyang paningin,
ay pabalinghat niyang pinilipit sa likod nito.
“Tinamaan ka ng
lintik na bata ka!” ang sabi niyang pinanginginigan ng laman. “Kung
walang binabaing pulis na makapagpapaamin sa iyo, e, ako ang gagawa ng
ikakaamin mo! Saan mo dinala ang dinukot mo sa ‘kin? Saan?”
Napihiyaw
ang bata sa sakit; ang bisig nito ay halos napaabot ni Aling Marta sa
knayng balikat sa likod. Ang mga nanonood ay para-parang nangapatdan ng
dila upang makapagsalita ng pagtutol. Ang kaliwang kamay ni Aling Marta
ay pakabig na nakapaikot sa baba ng bata; sinapo ito ng bata ng kanyang
kamay at nang mailapit sa kanyang bibig ang buong panggigigil na
kinagat.
Hindi niya gustong tumakbo; halos mabali ang kanyang
siko at ang nais lamang niya ay makaalpas sa matitigas na bisig ni Aling
Marta; ngunit ngayon, nang siya ay bitiwan ng nasaktang si Aling Marta
at makalayong papaurong, ay naalala niya ang kalayaan, kalayaan kay
Aling Marta at sa dumarakip na pulis, at siya ay humanap ng malulusutan
at nang makakita ay walang lingon-likod na tumakbo, patungo sa ibayo ng
maluwang na daan. Bahagya na niyang narinig ang mahahayap na salitang
binitiwan ng humahabol na si Aling Marta, ang sigaw ng pulis at ang
sumunod na tilian ng mga babae; bahagya nang umabot sa kanyang pandinig
ang malakas na busina ng isang humahagibis na sasakyan. Sa isang sandali
ay nagdilin sa kanya ang buong paligid at sa pagmumulat na mula ng
kanyang paningin, sa pagbabalik ng kanyang ulirat, ay wala na siyang
nakita kundi ang madidilim na anino ng mga mukhang nakatunghay sa
kanyang lupaypay at duguang katawan.
Hindi umiimik si Aling Marta
habng minamasdan ang bata. Maputla ang kulay ng kanyang mukha at aywan
ba niya at pati siya ay tila pinanawan ng lakas. Malamig na pawis ang
gumigiti sa kanyang noo at ang tuhod niya ay parang nangangalog. Hindi
siya kapag-angat ng paningin; sa palagay ba niya ay sa kanya nakatuon
ang paningin ng lahat at siya ang binubuntunan ng sisi. Bakit ba ako
manganganino sa kanila? Pinipilit niyang usalin sa sarili. Ginawa ko
lamang ang dapat gawin ninuman at nalalaman ng lahat na ang nangyaring
ito’y pagbabayad lamang ng bata sa kanyang nagawang kasalanan.
Ang
pulis ay nakabalik na sa outpost at sa isang ospital na tumatawag. Ang
bata ay napagtulungan ng ilan na buhatin sa bangketa upang doon
pagyamanin at ipaghintay ng ambulansiya kung aabot pa. Ang kalahati ng
kanyang katawan, ang dakong ibaba, ay natatakpan ng diyaryo at ang
gulanit niyang kamiseta ay tuluyan nang nawalat sa kanyang katawan.
Makailang sandali pa, pagdating ng pulis, ay pamuling nagmulat ito sa
paningin at ang mga mata ay ipinako sa maputlang mukha ni Aling Marta.
“Maski
kapkapan n’yo ako, e, wala kayong makukuha sa akin,” ang sabing
pagatul-gatol na nilalabasan ng dugo sa ilong. “Hindi ko kinukuha ang
inyong pitaka.”
May kung anong malamig ang naramdaman ni Aling
Martang gumapang sa kanyang katawan. Ang bata ay pilit na nagsasabi ng
kanyang pahimakas. Ilang sandali pa ay lumungayngay ang ulo nito at nang
pulsuhan ng isang naroroon ay marahan itong napailing. Patay na,
naisaloob ni Aling Marta sa kanyang sarili.
“Patay na ang dumukot
ng kuwarta ninyo,” matabang na sabi ng pulis sa kanyang. Nakatayo ito
sa kanyang tabi at hawak na naman ang kanyang kuwarderno at lapis.
“Siguro’y matutuwa na kayo niyan.”
“Sa palagay kaya ninyo ay may sasagutin ako sa nangyari?” ang tanong ni Aling Marta.
“Wala
naman sa palagay ko,” ang sagot ng pulis. “Kung may mananagot niyan ay
walang iba kundi ang pobreng tsuper. Wala rin kayong sasagutin sa
pagpapalibing. Tsuper na rin ang mananagot niyan.”
May himig pangungutya ang tinig ng pulis.
“Makakaalis na po ako?” tanong ni Aling Marta.
“Maari
na,” sabi ng pulis. “Lamang ay kinakailangan ninyong iwan sa akin ang
inyong pangalan at deriksiyon ng iyong bahay upang kung mangailangan ng
ulat ng pag-aayos ay mahingan namin kayo ng ulat.”
Ibinigay ni
Aling Marta ang kanyang pangalan at tinitirhan at pagkatapos ay tuwid
ang tinging lumayo sa karamihan. Para pa siyang nanghihina at
magulung-magulo ang kanyang isip; Sali-salimuot ng alalahanin ang
nagsasalimbayan sa kanyang diwa. Lumakad siya ngayon ng walang tiyak na
patutunguhan. Naalaala niya ang kanyang anak na ga-graduate, ang ulam na
dapat niyang iuwi na, sana’y naiuwi na, at ang nananalim, nangungutyang
mga mata ng kanyang asawa sa sandaling malaman nito ang pagkawala ng
pera. Magtatanong iyon, magagalit, hanggang sa siya ay mapilitang
sumagot. Magpapalitan sila ng nahahayap na mapilitang sumagot.
Magpapalitan sila ng mahahayap na pangungusap, sisihan, tungayawan, at
ang anak niyang ga-graduate ay magpapalahaw ng panangis hanggang sa sila
ay puntahan at payapain ng mga kapitbahay. Katakut-takot ng gulo at
kahihiyan! sa loob-loob ni Aling Marta, at hindi sinasadya ay muling
nadako ang pinag-uulapang diwa sa bangkay ng batang natatakpan ng
diyaryo, na siyang pinagmulan ng lahat.
Kung hindi sa tinamaan na
lintik na iyon ay hindi ako masusuot sa suliraning ito, usal niya sa
sarili. Kasi’y umbi, walang pinag-aralan, maruming palaboy ng kapalarang
umaasa sa tabi ng iba. Mabuti nga sa kanya!
Kinakailangan niyang
kumilos, umisip ng paraan. Kinakailangang kahit papaano’y makapag-uwi
siya ng ulam sa pananghalian. Pagkakain ng kanyang asawa ay malamig na
ang kukote nito at saka ... saka niya sasabihin ang pagkawala ng pera.
Maaaring magalit ito at ipamukha sa kanya, tulad ng madalas sabihin
nito, na ang lahat ay dahil sa mabilis niyang paghahangad na makapagdala
ng labis na salaping ipamimili, upang makapamburot at maipamata sa
kapwa na sila ay hindi naghihirap, ngunit lahat ay titiisin niya, hindi
siya kikibo. Ililingid din niya ang nangyaring sakuna sa bata; ayaw ng
kanyang asawa ng iskandalo at ano mang pangangatwirang gawin niya ay
siya rin ang sisisihin nito sa dakong huli; at kung sakali’t darating
ang pulis na kukuha ng ulat ay ililihim niya ito. At tungkol sa ulam,
mangungutang siya ng pera sa tindahan ni Aling Goryang at iyon ang
kanyang ipamimili; nasabi niya rito na ang nawala niyang pera ay isang
daan at sampung piso at ang halagang iyon ay napakalaki na upang ang
lima o sampung piso ay ipagkait nito sa kanya bilang panakip. Hindi iyon
makapahihindi. May ngiti ng kasiyahang naglalaro sa maninipis na labi
ng Aling Marta nang ipihit niya ang kanyang mga paa patungong pamilihan.
Tanghali
na nang siya ay makauwi. Sa daan pa lamang, bago siya pumasok sa
tarangkahan, ay natatanaw na niya ang kanyang anak na dalaga na
nakapamintana sa kanilang barung-barong. Nakangiti ito at siya ang
minamasdan, ngunit nang malapit na siya at makita ang dala ay
napangunot-noo, lumingon sa loob sa kabahayan at may tinawag. Sumungaw
ang payat na mukha ng kanyang asawa.
“Saan ka kumuha ng ipinamili mo niyan, Nana?” ang sabi ng kanyang anak na ga-graduate.
“E ... e,” hindi magkantututong sagot ni Aling Marta. “Saa pa kundi sa aking pitaka.”
Nagkatinginan
ang mag-ama. “Ngunit, Marta,” ang sabi ng kanyang asawa, “ang pitaka
mo, e, naiwan mo! Kanginang bago ka umalis ay kinuha ko iyon sa bulsa ng
iyong bestidong nakasabit at kumuha ako ng pambili ng tabako, pero
nakalimutan kong isauli. Saan ka kumuha ng ipinamili mo niyan?”
Biglang-bigla,
anaki’y kidlat na gumuhit sa karimlan, nagbalik sa gumita ni Aling
Marta ang larawan ng isang batang payat, duguan ang katawan at
natatakpan ng diyaryo, at para niyang narinig ang mahina at gumagaralgal
na tinig nito: Maski kapkapan niyo ako, e, wala kayong makukuha sa
‘kin. Saglit siyang natigilan sa pagpanhik sa hagdanan; para siyang
pinangangapusan ng hininga at sa palagay ba niya ay umiikot ang kanyang
buong paligid; at bago siya tuluyang nawalan ng ulirat ay wala siyang
narinig kundi ang papanaog na yabag ng kanyang asawa’t anak, at ang
papaliit at lumalabong salitang: Bakit kaya? Bakit kaya?
Repleksyon :
Nalaman ko na hindi tama ang pamimintang sa iba pag nakabase ito sa panlabas na anyo dahil lubos itong nakasasama sa atin at napagbintangan natin . Gaya sa akdang ito pinagbintangan ni aling marta si andres reyes sa kaanyuan nito.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento