WALANG PANGINOON
ni Deogracias Rosario
Nang
makita ni Marcos sa kanilang lumang orasan na ang mahabang hintuturo ay
malapit nang sumapit sa ika-12 samantalang nakapako na sa ika-8 ang
maikling daliri, hindi niya malaman kung saan siya magtutungo. Isiniksik
niya ang kanyang ulo kahi't saan. Saka ang dalawa niyang hintuturo ay
ipinapasak sa mga butas ng kanyang tainga. Ayaw niyang marinig ang
animas. Ayaw niyang mapakinggan ang malungkot na palo ng bakal sa
malaking kampanang tanso sa kampanaryo ng simbahan sa kanilang bayan.
Gayon man, kahi't saan siya magsiksik, kahi't saan siya magtago, kahi't
na anong gawin niyang pagpapasak sa kanyang tainga ay lalong nanunuot sa
kanyang pandinig ang malungkot na tinig ng batingaw.
"Tapos
na ba?" Tapos... ang sunud-sunod namang itinutugon ng kanyang ina na
paniwalang-paniwala hindi nga niya naririnig ang malungkot na animas.
"Ngunit,
Marcos…" ang baling uli ng matandang babae sa anak. "Bakit ayaw mong
marinig ang oras na ukol sa kaluluwa? Iya'y nagpapagunita sa mga tao na
dapat mag-ukol ng dalangin sa ikaluluwalhati ng mga kaluluwang nasa
kabilang buhay. Una-una'y ang iyong ama, ikalawa'y ang kapatid mong
panganay, ikatlo'y ang kapatid mong bunso, saka… saka si Anita." Ang
huling pangalan ay binigkas na marahan at madalang ng matandang babae.
Si
Marcos ay hindi kumibo. Samantalang pinapangaralan siya ng kanyang ina,
ang mga mata niyang galling sa pagkapikit kaya't nanlabo pa't walang
ilaw ay dahan-dahang sinisiputan ng ningas, saka manlilisik at
mag-aapoy.
Hindi
rin siya sumasagot. Hindi rin siya nagsasalita. Subali't sa kanyang
sarili, sa kanyang dibdib, sa kanyang kaluluwa ay may pangungusap, may
nagsasalita.
"Dahil
din sa kanila, lalung-lalo na kay Anita, ayaw kong marinig ang
malungkot na tunog ng batingaw," ang sinasabi ni Marcos sa sarili.
Kinagat niya ang kanyang labi hanggang sa dumugo upang huwag ipahalata
sa ina ang pagkuyom ng kanyang damdamin.
Akala
ng ina'y nahuhulaan niya kung ano ang nasa loob ni Marcos. Sa wari ng
matanda ay nababasa niya sa mga mata ng anak ang lihim ng puso nito.
Naiisip niyang kaya nalulungkot si Marcos ay sapagka't hindi pa
natatagalang namatay si Anita. Ang magandang anak ni Don Teong, mayamang
may-ari ng lupa nilang binubuwisan. Nalalaman ng ina ni Marcos na lahat
ng pagsisikap nito sa bukid, lahat ng pag-iimpok na ginagawa upang
maging isang ulirang anakpawis ay ukol kay Anita. At siya'y namatay!
Naramdaman din ng ina ni Marcos kung gaano kakirot ngang maging
malungkutin ang kanyang anak. Ito ay kanyang ibig libangin. Ito ay nais
niyang aliwin. Kung maaari sana'y mabunutan niya ng tinik na subyang sa
dibdib ang kanyang anak.
"Lumakad
ka na Marcos, sa kubo nina Bastian. Tila may belasyon sila, o, baka
kailanganin ang mabuting mang-aawit at manunugtog ng gitara," ang sabi
ng ina. "Walang pagsalang masasayahan ka roon."
"Si
Inang naman," ang naibulalas na lamang ni Marcos. Iyan lamang ang
kanyang nasasabi nang malakas. Sa kanyang sarili'y naidugtong niya na
hindi masusukat ng kanyang ina kung gaano ang pait para sa kanya ang
pagkamatay ni Anita, palibhasa'y lingid sa kaalaman ng matanda ang tunay
na nangyari sa pagkamatay nito.
Kung
nalalaman lamang ni Inang ang lahat, ang nasasabi niya uli sa kanyang
sarili samantalang minamasdan niya ang isang ulilang bituin sa may tapat
ng libingan ng kanilang bayan, na ipinapalagay niyang kaluluwa ni
Anita, "disi'y hindi ako itataboy sa kasayahan."
Pinag-uusapan
pa lamang ng mag-ina nang umagang yaon ang malaki nilang kapalaran
sapagka't mabuti ang lagay ng tanim nilang palay nang isang utusan sa
bahay-pamahalaan ang dumating taglay ang utos ng hukumang sila'y
pinaaalis sa kanilang lupang kinatatayuan. Sinasamsam ni Don Teong na ama ni Anita ang lahat ng lupa nilang sinasaka.
"Inang, matalim ba ang itak ko?" ang unang naitanong ng anak sa ina matapos matunghayan ang utos ng hukuman.
"Anak
ko!" ang palahaw na pananangis ng matandang babae, sabay lapit sa leeg
ng anak. "Bakit ka mag-iisip nang gayon, sa tayo na lamang dalawa ang
nabubuhay sa daigdig?"
Ang
tinig ng matanda ay nakapagpalubag ng kalooban ng binata. Gayon man, sa
harap ng bagong pithaya ng may-ari ng lupang kanilang binubuwisan, ay
isa-isang nagbabalik sa alaala niya ang malungkot na kasaysayan ng
kanilang lupang sinasaka.
Ang
sabi'y talagang sa kanunu-nunuan ng kanyang ama ang naturang lupa.
Walang sino mang sumisingil sa kanila ng buwis at walang sinumang
nakikialam sa anumang maging bunga ng kanilang mga tanim, maging mais o
tubo, o kaya'y maging anuman sa mga gulay na tanim nila sa bakuran.
Subali't
nang bata pa ang kanyang ama ay may nagsukat ng lupa sa sinsabing
kanila. Palibhasa'y wala silang maibabayad sa manananggol, ang
pamahalaan ay nagkulang ng malasakit sa kanilang karalitaan upang
tangkilikin ang kanilang katwiran at karapatan. Sa wakas ay napilit
silang mamuwisan nang di nila makuhang umalis doon.
Noong
bata pa si Marcos, ang bayad nila'y isang salapi lamang isang taon sa
bawat ektarya ng lupang kanilang sinasaka. Subalit nagtatagal, unti-unti
na silang nababaon sa pagkakautang sa maylupa dahil sa mga kasunduang
ipinapasok sa pana-panahon, ..:namespace prefix = st1 ns =
"urn:schemas-microsoft-com:office:smarttags" />gaya ng takipan at talinduwa.
Kaya
namatay ang ama ni Marcos ay dahil sa malaking sama ng loob kay Don
Teong. Ang kapatid niya'y namatay din sa paglilingkod sa bahay nito, at
higit sa lahat, nalaman niyang kaya namatay si Anita ay sapagka't
natutop ng ama nakipagtagpo minsan sa kanya sa loob ng halamanan, isang
gabing maliwanag ang buwan.
Saka ngayo'y paalisin naman sila sa kanilang bahay at lupang binubuwisan?
Si
Anita ay lihim na naging kasintahan ni Marcos, mahigit nang isang taon
noon. Sapul nang dumating si Anita sa kanilang bayan buhat sa pag-aaral
sa isang kolehiyo ng mga madre sa Maynila, si Marcos ay nagsimpan na ng
malaking pag-ibig sa kanya. Alam ni Marcos ang kanyang kalagayan na
halos ay lumaki sa ibabaw ng kalabaw at sa pagtikin sa kanilang damo sa
ilog.
Si
Marcos ay natapos lamang ng katesismo sa iskuwelahan na silong ng
kumbento sa kanilang bayan at natutong sumulat sa pisara ng malaking
numero. Nguni't gayon man, nagsikap siyang idilat ang kanyang mga mata
sa liwanag ng kabihasnan at pagkaunlad. Katutubo kay Marcos ang hilig sa
pagkatuto sapagaka't sa pag-anib niya sa mga samahang pambayan ay
natuklasan niyang walang mabuting paaralan kundi ang pahayagan. Walang
aklat, walang pahayagan at lingguhan sa sariling wika na hindi binabasa
ni Marcos, kahi't manghiram lamang kung wala na siyang ibili. Nagbasa
rin siya ng nobela at ibang akdang natutuhan niya sa wikang Tagalog o
kaya'y salinwikang nito.
Lalo
na nang magsimpan siya ng pag-ibig kay Anita, wala siyang inaalagata sa
kanyang buhay kundi ang baling araw ay maging karapat-dapat sa mga
kamay ng anak ni Don Teong na may-ari ng lupa nilang sinasaka. Isa pa'y
bukod sa naniniwala siya sa kasabihan, "Ang lahat ng tao, kahi't hindi
magkakakulay ay sadyang magkakapantay," tinatanggap din niya ang palasak
ng kawikaang "Ang katapat ng langit ay pusalian." Dahil diyan kaya
kahi't bahagya ay hindi siya nag-atubili ng pagsisimpan ng pag-ibig kay
Anita.
At
naiibig naman siya ng anak ni Don Teong. Bakit hindi siya maiibig?
Minsan si Anita ay namangka sa kanilang ilog, gumiwang ang bangka at
nahulog sa tubig. Si Marcos noon ay nasa lamo at lihim niyang sinusundan
ang bakas sa tubig ni Anita. Nang makita niya ang malaking sakuna ay
lumundag siya sa ilog ata sa pamamagitan ng langoy na hampas-tikin ay
inabot niya si Anita na kumakamot sa ilalim ng ilog. Matapos niyang
kalawitin ng kaliwa niyang bisiig sa may baba ang dalaga ay bigla niyang
isinikdaw ang dalawa niyang paa sa ilalim kaya't pumaibabaw sila, at sa
tulong ng pagkampay ng kanyang kamay at pagsikad ng dalawa niyang paa
ay nakasapit sila sa pampang.
"Marcos,
matagal na naman kitang iniibig," ang pagtatapat ni Anita sa binata,
makaraan ang may ilang buwan buhat nang siya'y mailigtas.
Tatlumpung
araw ang taning sa mag-ina upang lisanin ang lupang gayong ang sabi ay
ari ng kanilang ninuno at binubuwisan na nila at sinasamsam pa ngayon.
At saka silang mag-ina ay itinataboy. Sino ang hindi magdadalang-poot sa
gayong kabuktutan.
Dahil
sa kanyang ina, natutong magtiim si Marcos ng kanyang mga bagang.
Kinagat niya ang kanyang mga labi upang huwag mabulalas ang kanyang
galit. Kinuyom niya ang kanyang mga kamay hanggang matimo sa palad niya
ang kanyang mga kuko.
Isang
takipsilim nang marinig niya sa kampanaryo ng kanilang simbahan ang
malungkot na agunyas. Una muna ang malaking kampana saka sumunod ang
maliit. Bang! Teng! Bang! Teng! Babae ang
nalagutan ng hinihinga. Maliit naman ang kanilang bayan upang malihim pa
kung sino ang binawian ng buhay. Wala siyang nalalaman na may sakit
kundi si Anita. Dahil sa pagkatutop sa kanila isang gabi, ang dalaga ay
sinaktang mabuti ng ayon sa nagbalita kay Marcos ay mata lamang ang
walang latay.
Buhat
noon ay nagkasakit na si Anita. Araw-araw ay tumatanggap si Marcos ng
balita. At nang tangkain niyang dumalaw minsan ay hinarang siya ni Don
Teong na may hawak na rebolber. Susuong din sana
si Marcos, subalit nagdalawang-loob siya. Maaaring maging dahilan iyon
ng bigla pang pagkamatay ng kanyang iniibig, bukod sa magiging subyang
sa kanyang ina kung siya ay mawawala.
Ang
huling dagok na ito sa kanya ni Don Teong ay isinaman na lamang niya sa
talaan ng pagmamalupit sa kanya ng mayamang may-ari ng lupa nilang
binubuwisan, pag-agaw ng lupa sa kanila. At saka noo'y pagtatangka pa sa
kanyang buhay. Pinakahuli nga ang pagkamatay nang tuluyan ni Anita, na
ayon sa balita niya'y nalagutan ng hiningang siya ang tinatawag. Saka
nitong huli ay pagpapaalis sa kanilang lupang kinagisnan at pinagyaman
sa tulo ng kanilang pawis na mag-anak.
Ngunit
si Marcos, isang manggagawang hubog sa palihan ng bagong panahon,
lumaki ang puso sa mga pagtitiis. Naging maluwag nga ang kanyang dibdib
sa pagtanggap ng pang-aapi ng may-lupa. Hanggang noong bago mamatay si
Anita, akala niya'y maaari pa siyang makalunok ng bagong pag-upasala ng
itinuturing niyang panginoon. Datapwat nang tanggapin niya ang utos ng
hukuman na pinaalis sila roon, talagang nagdilim ang kanyang isip. Noon
pa'y naisip na niyang gawing batas ang kanyang kamay, yamang hindi na
niya matatamo ang katarungan sa hukuman ng mga tao.
"Huminahon ka anak ko," ang sabi ng kanyang ina. "Hindi natutulog ang Bathala sa mga maliliit. Magtiis tayo."
Hindi
niya itinuloy ang paghanap sa kanyang itak na matalas. Pagkakain niya
ng agahan, nilibang niya ang kanyang ina saka lumabas sa bukid. Gaya
rin ng dati'y sinakyan niya ang kanyang kalabaw na lalong mahal niya sa
lahat sa limang alaga niya. Lumabas siya sa bukid at hinampas niya ng
tanaw ang karagatan ng namumulang ginto. Pagdaramdam at panghihinayang
ang ngumatngat sa kanyang puso. Gaanong pagod ang kanyang pinuhunan
upang ang palay nila'y magbungang mabuti? Saka ngayo'y pakikinabangan at
matutungo lamang sa ibang kamay.
Napapalatak
si Marcos sa ibabaw ng kanyang kalabaw. Ibig mang pagdiliman ang isip
kung nagugunita ang utos ng hukuman, ang alaala naman ng kanyang ina'y
walang iniwan sa bahagharing sumusugpo sa nagbabalang unos. Dadalawa na
lamang sila sa daigdig at ayaw niyang pabayaan ang kanyang ina;
ipinangako niyang hahandugan ng kaligayahan ang nalalabing buhay nito,
bago malagutan ng hininga ang kanyang ama.
Dahil
nga sa kanyang ina, kaya naisip niya ang kabutihan kung sila'y
magsasarili: "Tutungo sa hilaga at kukuha ng homestad. Kakasundo ng mga
bagong magsasaka; paris ni Don Teong, kailangang magkaroon din ako ng gayak paris niya."
Kabalintunaan
man ang sinabi ng anak ay hindi na nag-usisa ang ina palibhasa'y
nababatid niyang sa dibdib ng binata ay may isang halimaw na natutulog
na hindi dapat gambalain upang huwag magising. Wala siyang nalalaman
kundi tuwing takipsilim, kung nakaligpit na ang mga tao sa nayon ang
buong kagayakan ay isinusuot ng kanyang anak saka lumalabas sa bukid.
May dalawang linggong gayon nang gayon ang ginagawa, hanggang isang araw
ay tawagan siya ng pansin ng matanda.
"Marcos,"
sabi ng matanda. "Dalawang lingo na lamang ang natitira sa ating taning
ay hindi mo ginagawa ang pakikipagtuos kay Don Teong… kung may magiging
sukli man lamang tayo sa ating ani ngayon?"
"Huwag ka pong mabahala, Inang," sabi ng mabait na anak. "Nalaglag po ang dahon sa kanyang kapanahunan."
Talinghaga na naman ang sinabi ni Marcos. Gayon man may nagunita siyang isang bagay na ibig niyang malaman sa anak.
"Bakit hindi mo iniuwi ang kalabaw sa bakuran?" Tinutukoy niya ang kalabaw na mahal na mahal sa lahat ni Marcos.
Maaaring
magpakahinahon si Marcos, subali't ang huling kapasiyahan ni Don Teong
ay namukaw ng lahat ng kanyang pagtitimpi. Ayaw niyang gumamit ng dahas,
subalit…
Nagunita
niya ang sinabi ni Rizal. "Walang mang-aalipin kung walang
magpapaalipin." Napailing siya sa harap ng gayong masaklap na
katotohanan. Patung-patong na ang ginagawang pamamaslang sa kanya ni Don
Teong – takalang dapat nang kalusin. Nagunita rin ni Marcos ang marami
pang ibang kasama, katulad din niya, na sa kamay ng mayamang si Don
Teong ay walang iniwan sa mga leeg na manok na unti-unting sinasakal
hanggang makitil ang hininga sa hangad na mahamig na lahat ang
kayamanang gayong minana sa kanilang mga ninuno ay iba ngayon ang
may-ari at nagbubuwis pa.
"Kailangang maputol ang kalupitang ito!" Ang tila pagsumpa sa harap ng katalagahang ginawa ni Marcos.
"Bakit
ka bumili ng pulinas, gora, suwiter, at latigo, anak ko?" ang tanong ng
matanda kay Marcos, isang araw na dumating siyang pagod na pagod sa
naturang dala-dalahan.
"Inihahanda ko po iyon sa pagiging panginoon natin, paris
ni Don Teong," ang nakatawang sagot ng anak. "Kung tayo po'y nakaalis
na rito, tayo'y magiging malaya," ang tila wala sa loob na tugon ng
anak.
Ang
totoo, ang naturang kalabaw ni Marcos ay nakapugal sa hanggahan ng
lupang sarili ni Don Teong. Kung takipsilim ay isinusuot na lahat ni
Marcos ang pulinas, ang gora, at ang suwiter, saka dala ang latigong
katulad ng pamalo ni Don Teong. Pagdating niya sa pook na kinapupugalan
ay saka aasbaran ng palo ang kalabaw hanggang sa ito'y umuungol na ang
alingawngaw ay abot hanggang sa kalagitnaan ng bayan. Kung dumating
siya'y dinaratnan niya ang kanyang inang matuwid ang pagkakaluhod sa
harap ng isang maitim na Santo Kristo sa kanilang silid na naiilawan ng
isang malaking kandila.
"Salamat, anak ko, at dumating ka," ang sasabihin na lamang ng matanda. "Akala ko'y napahamak ka na."
Si
Don Teong ay may ugaling maglibot tuwing hapon sa paligid-ligid ng
kanyang lupa. Ang ipinanganganib ng ina ni Marcos ay baka magkasalubong
ito at ang kanilang panginoon, ay hindi makapagpigil ang isa't isa.
Nalalaman din ng matandang babae na laging may dalang rebolber sa
baywang ang mayamang asendero buhat nang magkaroon ng alitan dahil sa
lupa, kaya lagi niyang inaalaala ang pag-alis-alis ni Marcos.
Subalit
isang hapon, samantalang payapang inihahanda ng mag-ina ang kanilang
pag-alis, walang iniwan sa putok ng bulkan ang balitang kumalat sa bayan
na si Don Teong ay namatay sa pagkasuwag ng kalabaw. Sinabi ng mga
nakakita na pagkakita pa lamang ng kalabaw kay Don Teong ay tila may
sinumpang galit sapagka't bigla na lamang sinibad ang matanda at nasapol
ang kalamnan ng sikmura ng matulis na sungay ng hayop. Pagkasikwat sa
katawan ng asendero ay tumilapon pa sa itaas at paglagpak ay sinalo
naman ng kabilang sungay.
Ang
katawan ni Don Teong ay halos lasug-lasog nang iuwi sa bayan, wasak ang
suwiter sa katawan at saka ang pulinas. Kumilos agad ang
maykapangyarihan upang gumawa ng kailangan pagsisiyasat subali't ang
lahat ng matuwid ay nawalan ng halaga sa hindi kumikilos na ayos ng
kalabaw na animo'y wala sa loob ang ginawa niyang napakalaking
pagkakasala.
Nang
malamang kay Marcos ang kalabaw, bawat isa'y nagkatinginan. Hindi nila
malaman kung papaanong ang poot ni Marcos kay Don Teong ay nagtungo sa
alaga niyang hayop.
Si
Marcos ay nakatingin din sa orasan nang gabing yaon. Tatlong minuto na
lamang ang kulang sa ika-8 ng gabi. Hindi siya gumagalaw, hindi siya nababahala.
Tumugtog ang animas. Hindi na gaya
ng dating ayaw niyang marinig ito. Sa halip na idalangin, ang kaluluwa
ng mga namatay, ang naisip niya'y ang matapang niyang kalabaw.
"Mapalad na hayop na walang panginoon," ang kanyang naibulong.
Repleksyon:
Nalaman ko ang buhay ni marcos nawalan siya ng ama ng kapatid dahil kay don teong kaya nagawa niyang magbalatkayo at saktan ang kalabaw na kanyang pinangaararo sa bukid at dahil dito namatay si don teong sa pag suwag ng kalabaw dito.
Repleksyon:
Nalaman ko ang buhay ni marcos nawalan siya ng ama ng kapatid dahil kay don teong kaya nagawa niyang magbalatkayo at saktan ang kalabaw na kanyang pinangaararo sa bukid at dahil dito namatay si don teong sa pag suwag ng kalabaw dito.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento