Ni Genoveva Edroza-Matute
Hindi
ko siya nakikita ngayon. Ngunit sinasabi nilang naroroon pa siya sa
dating pinagtuturuan, sa walang pintang paaralang una kong kinakitaan sa
kanya. Sa isa sa mga lumang silid sa ikalawang palapag, sa itaas ng
lumang hagdang umiingit sa bawat hakbang, doon sa kung manunungaw ay
matatanaw ang maitim na tubig ng isang estero. Naroon pa siya’t
nagtuturo ng mga kaalamang pang-aklat, at bumubuhay ng isang uri ng
karunungan sa kanya ko lamang natutuhan.
Lagi
ko siyang inuugnay sa kariktan ng buhay. Saan man sa kagandahan; sa
tanawin, sa isang isipan o sa isang tunog kaya, nakikita ko siya at
ako’y lumiligaya. Ngunit walang anumang maganda sa kanyang anyo… at sa
kanyang buhay…
Siya ay isa sa mga pangkaraniwang guro noon. Walang sinumang nag-ukol sa kanyang ng pansin. Mula sa kanyang pananamit hanggang sa paraan ng pagdadala niya ng mga panunugutan sa paaralan, walang masasabing anumang pangkaraniwan sa kanya.
Siya’y tinatawag naming lahat na si Mabuti kung siya’y nakatalikod. Ang salitang iyon ang simula ng halos lahat
ng kanyang pagsasalita. Iyon ang pumalit sa mga salitang hindi niya
maalaala kung minsan, at nagiging pamuno sa mga sandaling
pag-aalanganin. Sa isang paraang malirip, iyon ay naging salamin ng uri
ng paniniwala sa buhay.
“Mabuti,”
ang sasabihin niya, “… ngayo’y magsisimula tayo sa araling ito. Mabuti
nama’t umabot tayo sa bahaging ito… Mabuti… Mabuti!”
Hindi
ako kailanman magtatapat sa kanyang ng anuman kung di lamang nahuli
niya akong minsang lumuluha; nang hapong iyo’y iniluha ng bata kong puso
ang pambata ring suliranin.
Noo’y
magtatakipsilim na at maliban sa pabugsu-bugsong hiyawan ng mga
nagsisipanood sa pagsasanay ng mga manlalaro ng paaralan, ang buong
paligid ay tahimik na. Sa isang tagong sulok ng silid-aklatan, pinilit
kong lutasin ang aking suliranin sa pagluha. Doon niya ako natagpuan.
“Mabuti’t
may tao pala rito,” wika niyang ikinukubli ang pag-aagam-agam sa
narinig. “Tila may suliranin .. mabuti sana kung makakatulong ako.”
Ibig
kong tumakas sa kanya at huwag nang bumalik pa kailanman. Sa bata kong
isipan ay ibinilang kong kahihiyan ay kababaan ang pagkikita pa naming
muli sa hinaharap, pagkikitang magbabalik sa gunita ng hapong iyon.
Ngunit, hindi ako makakilos sa sinabi niya pagkatapos. Napatda ako na
napaupong bigla sa katapat na luklukan.
“Hindi ko alam na may tao rito”….. naparito ako upang umiyak din.”
Hindi
ako nakapangusap sa katapatang naulinig ko sa kanyang tinig. Nakababa
ang kanyang paningin sa aking kandungan. Maya-maya pa’y nakita ko ang
bahagyang ngiti sa kanyang labi.
Tinanganan
niya ang aking mga kamay at narinig ko na klamang ang tinig sa
pagtatapat sa suliraning sa palagay ko noo’y siya nang pinakamabigat. Nakinig
siya sa akin, at ngayon, sa paglingon ko sa pangyayaring iyo’y
nagtataka ako kung paanong napigil niya ang paghalakhak sa gayong
kamusmos na bagay. Ngunit, siya’y nakinig nang buong pagkaunawa, at alam
ko na ang pagmamalasakit niya’y tunay na matapat.
Lumabas kaming magkasabay sa paaralan. Ang panukalang naghihiwalay sa amin ay natatanaw na nang bigla akong makaalala.
“Siyanga pala, Ma’am, kayo? Kayo ng pala? Ano ho iyong ipinunta ninyo sa sulok na iyo na … iniiyakan ko?”
Tumawa
siya ng marahan at inulit ang mga salitang iyon; “ang sulok na iyon na …
iniiyakan natin… nating dalawa.” Nawala ang marahang halakhak sa
kanyang tinig: “sana’y masabi ko sa iyo, ngunit… ang suliranin..
kailanman. Ang ibig kong sabihin ay … maging higit na mabuti sana sa iyo
ang … buhay.”
Si
Mabuti’y naging isang bagong nilikha sa akin mula nang araw na iyon. Sa
pagsasalita niya mula sa hapag, pagtatanong, sumagot, sa pagngiti
niyang mabagal at mahiyain niyang mga ngiti sa amin, sa paglalim ng
kunot sa noo niya sa kanyang pagkayamot, naririnig kong muli ang mga
yabag na palapit sa sulok na iyon ng silid-aklatan. Ang sulok na iyon,..
“Iniiyakan natin,” ang sinabi niya nang hapong iyon. At habang
tumataginting sa silid naming ang kanyang tinig sa pagtuturo’y hinuhulaan
ko ang dahilan o mga dahilan ng pagtungo niya sa sulok na iyon ng
silid-aklatan. Hinuhulaan ko kung nagtutungo pa siya roon, sa aming
sulok na iyong… aming dalawa…
At
sapagkat natuklasan ko ang katotohanang iyon tungkol sa kanya,
nagsimula akong magmasid, maghintay ng mga bakas ng kapaitan sa kanyang
sinasabi. Ngunit, sa tuwina, kasayahan, pananalig, pag-asa ang taglay
niya sa aming silid-aralan. Pinuno siya ng maririkit na guni-guni ang
aming isipan at ng mga tunog ang aming pandinig at natutuhan naming
unti-unti ang kagandahan ng buhay. Bawat aralin naming sa panitikan ay
naging isang pagtighaw sa kauhawan naming sa kagandahan at ako’y
humanga.
Wala
iyon doon kanina, ang masasabi ko sa aking sarili pagkatapos na
maipadama niya sa amin ang kagandahan ng buhay sa aming aralin. At hindi
naging akin ang pagtuklas na ito sa kariktan kundi pagkatapos na lamang
ng pangyayaring iyon sa silid-aklatan.
Ang
pananalig niya sa kalooban ng maykapal, sa sangkatauhan, sa lahat na,
isa sa mga pinakamatibay na aking nakilala. Nakasasaling ng damdamin.
Marahil, ang pananalig niyang iyon ang nagpakita sa kanya ng kagandahan
sa mga bagay na karaniwan na lamang sa amin ay walang kabuluhan.
Hindi
siya bumabanggit ng anuman tungkol sa kanyang sarili sa buong panahon
ng pag-aaral naming sa kanya. Ngunit bumanggit siya tungkol sa kanyang
anak na babae, sa tangi niyang anak. .. nang paulit-ulit. Hindi
rin siya bumabanggit sa amin kailanman tungkol sa ama ng batang iyon.
Ngunit, dalawa sa mga kamag-aral naming ang nakababatid na siya’y hindi
balo.
Walang
pag-aalinlangan ang lahat ng bagay at pangarap niyang maririkit ay
nakapaligid sa batang iyon. Isinalaysay niya sa amin ang katabilan
niyon. Ang paglaki nang mga pangarap niyon, ang
nabubuong layunin niyon sa buhay. Minsan, tila hindi namamalayang
nakapagpapahayag ang aming guro ng isang pangamba ang pagkatakot niyang
baka siya hindi umabot sa matatayog na pangarap ng kanyang anak. Maliban
sa iilan sa aming pangkat, paulit-ulit niyang pagbanggit sa kanyang
anak ay iisa lamang ang mga bagay na “pinagtitiisang” pakinggan sapagkat
walang paraang maiwasan iyon. Sa akin, ang bawat pagbanggit na iyon ay
nagkakaroon ng kahulugan sapagkat noon pa ma’y nabubuo na sa aking
isipan ang isang hinala.
Sa
kanyang magandang salaysay, ay nalalaman ang tungkol sa kaarawan ng
kanyang anak, ang bagong kasuotan niyong may malaking lasong pula sa
baywang, ang mga kaibigan niyong mga bata rin, ang kanilang mga handog.
Ang anak niya’y anim na taong gulang na. Sa susunod na taon siya’y
magsisimula na iyong mag-aral. At ibig ng guro naming maging manggagamot
ang kanyang anak- at isang mabuting manggagamot.
Nasa bahaging iyon ang pagsasalita ng aming guro nang isang bata sa aking likuran ang bumulong: “Gaya ng kanyang ama!”
Narinig ng aming guro ang ang sinabing iyon ng batang lalaki. At siya’y nagsalita.
“Oo, gaya ng kanyang ama,” ang wika niya. Ngunit tumakas ang dugo sa kanyang mukha habang sumisilay ang isang pilit na ngiti sa kanyang labi.
Iyon ang una at huling pagbanggit sa aming klase ang tungkol sa ama ng batang may kaarawan.
Matitiyak
ko noong may isang bagay ngang malisya sa buhay niya. Malisya nang
ganoon na lamang. At habang nakaupo ako sa aking luklukan, may dalawang
dipa lamang ang layo sa kanya, kumirot ang puso
ko sa pagnanasang lumapit sa kanya, tanganan ang kanyang mga kamay gaya
ng gingawa niya nang hapong iyon sa sulok ng silid-aklatan, at hilinging
magbukas ng dibdib sa akin. Marahil, makagagaan sa kanyang damdamin
kung may mapagtatapatan siyang isang taong man lamang. Ngunit, ito ang
sumupil sa pagnanasa kong yaon; ang mga kamag-aral kong nakikinig ng
walang anumang malasakit sa kanyang sinasabing, “Oo, gaya ng kanyang ama,” habang tumatakas ang dugo sa kanyang mukha.
Pagkatapos,
may sinabi siyang hindi ko makakalimutan kailanman. Tinignan niya ako
ng buong tapang na pinipigil ang panginginig ng mga labi at sinabi ang
ganito : “Mabuti…mabuti gaya ng sasabihin nitong Fe-lyon lamang
nakararanas ng mga lihim na kalungkutan ang maaaring makakilala ng mga
lihim na kaligayahan. Mabuti, at ngayon, magsimula sa ating aralin…”
Natiyak
ko noon, gaya ng pagkakatiyak ko ngayon na hindi akin ang pangungusap
na iyon, ni sa aking mga pagsasalita, ni sa aking mga pagsusulat. Ngunit
samantalang nakatitig siya sa akin ng umagang iyon, habang sinasabi
niya ang pangungusap na iyon, nadama kong siya at ako ay iisa. At kami
ay bahagi ng mga nilalang na sapagkat nakaranas ng mga lihim na
kalungkutan ay nakakikilala ng mga lihim na kaligayahan.
At
minsan pa, nang umagang iyon, habang unti-unting bumabalik ang dating
kulay ng kanyang mukha, muli niyang ipinamalas ang mga nagtatagong
kagandahan sa aralin naming sa Panitikan. Ang karikatn ng katapangan; ang kariktan ng pagpapatuloy anuman ang kulay ng buhay.
At ngayon, ilang araw lamang ang nakararaan buhat nang mabalitaan ko ang tungkol sa pagpanaw ng manggagamot na iyon. Ang
ama ng batang iyong marahil ay magiging isang manggagamot din balang
araw, ay namatay at naburol ng dalawang gabi at dalawang araw sa isang
bahay na hindi siyang tirahan ni Mabuti at ng kanyang anak. At naunawaan
ko ang lahat. Sa hubad na katotohanan niyon at sa buong kalupitan niyon ay naunawaan ko ang lahat.
Repleksyon:
Nalaman ko ang buhay ng isang guro na dumadamay pag may problema ang kanyang estudyante kagaya na lamang ni mabuti siya ay ang mabuting guro na tumulong sa isang estudyante.
Repleksyon:
Nalaman ko ang buhay ng isang guro na dumadamay pag may problema ang kanyang estudyante kagaya na lamang ni mabuti siya ay ang mabuting guro na tumulong sa isang estudyante.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento